Ang Huling Higanteng Alitaptap sa Mundo

Genaro Pascual

Kagabi naksakay ako sa likuran ng isang higanteng alitaptap. Sa ilalim namin, ang libu-libong ilaw ng siyudad; at sa kalagayan ng katinuan ko ngayon, ‘tila isang himalang makulay ang mga dilaw sa ilalim.

Sabi niya, pagka malawak at nanlalabo ang paningin niya sa ibabaw ng makapal na usok, nagmumukhang pamilya ng alitaptap ang siyudad. Dito lang niya naalalang malinaw ang mga mahal niya sa buhay na ngayo’y wala na – siya na ang huling hinganteng alitaptap sa mundo.

Maya maya’t nagpaalam na’ko sa alitaptap at tumungo pa pataas. Umakyat ako at tumagos sa kalangitan. Sa sobrang taas ko nawalan na ng hugis ang siyudad. Sa sobrang taas ko di ko na makita ang mga tao. Sa sobrang taas ko nawalan na ng kabuluhan ang salitang taas. At sa sobrang taas ko, napapalibutan nako ng mga bolang pinapakinang ng likuran ng isa pang higanting alitaptap.

Ngayo’y ako ay nakaupong mag-isa sa kuwarto. Kung matino ako, masasabi ko na ang kuwarto’y madilim. Naputulan na ako ng kuryente kagabi. Umaagos pa rin ang tubig sa iilang gripo. Ilang linggo na rin akong di naglilinis.

Nakasabit sa isang pako sa pader ang malakadenang kuwintas na kumakapit sa singsing na ngayo’y wala nang kapares. Nararamdaman ko pa rin ang hukay na naiwan sa katawan ko. Sa sobrang laki nito sana nabaril na lang ako at ako na lang ang nalibing.

Pilit kong pinupuno ito ng kung anu-anong usok na marahil ay maaamoy sa impyerno. Binubuhusan ko ang butas ng balde-baldeng likido. Mga bagay na di nagpupuno, at nagpapaalam lamang kung gaano kalalim ang itim na depresyon.

Pero alam ko… pagka hindi ako gumalaw, ang butas na puno ng likido’t usok ay nagmumukhang matatapakan. Nagmumukhang naghilom. Pag di ako gumalaw, at pag hindi rin gumalaw ang hangin at ang mundo, kumpleto ako.

Konting laklak pa. Konting hithit. Konting daloy pa sa mga ugat. Makakaalis na rin akong muli sa mundong bilog na napapaligiran ng itim. Masusundan ko nang muli ang sarili kong alitaptap – at ang lahat ng bagay ay titigil na.

May kumakalampang sa pinto ko, mga pagdabog na umiistorbo sa libo-libong kakaibang kulay na pataas-babang labas-pasok sa kuwarto. Unti-unti nang nilalamon ang paningin kong itim. ▪