Ang Institusyon ng App Process

Maaga magpa-dismiss yung Chem lab namin, kaya parating may libreng oras para tumambay bago mag-Chem lec. Sa tindahan ni Mang Mon kami parati ng mga ka-grupo ko tumatambay (malapit sa Pilar Herrera). Simple lang: kain ng Marty’s o Clover, minsan may monay, kwekkwek, o kape na mainit. Nakatutuwa nga kasi nakabuo na kami ng barkada – isang lipunan na binubuhay lamang ng limang tao sa bawat araw na may klase. Subalit isang hapon sa Chem lab bago tumungo sa tindahan, nagpaalam si Sheila, yung isa naming kabarkada: “Uy, sige, guys, alis muna ako. Balik na lang ako para mag-lec. Talents night namin mamaya sa org, eh. Makikipag-meet ako sa mga ka-app ko.” Marami siyang dala noon. Puro costume at iba pang props. Hindi na nakabalik si Sheila para mag-Chem lec.

Bantog ang ating unibersidad sa pagkakaroon ng mga org na mayroong tinatawag na application process. Pamilyar sa prosesong ito ang mga konsepto ng sigsheet, buddy system, app’s soiree, costume day at kung anu-ano pang mga ‘di karaniwan na gawain, pati na rin ang konsepto ng initiation o culmination.

Ngunit minsan kailangan din nating tanungin, bakit pa nga ba kailangang pagdaanan ‘to? Por que kinarir lang ba ng isang aplikante ang paggawa sa costume niya ay masisigurong magiging masipag siyang miyembro ng organisasyon? “Tradisyon,” sagot ng isang Membership Committee Head ng isang organisasyon sa CSSP, “ever since the 90s alam ko ganun na yung ginagawa ng org ko, pati pa siguro noong 80s at 70s.” Mismong tito niya na alumus ng parehong organisasyon ay alam pa rin ang mga pinagpapatuloy na “tradisyon”. Yung kinapanayam ko ay bahagi ng isang org na katulad ng maraming iba pa sa UP ay nagpapa-application process.

“Ano ba ang mga goals at objectives nitong app process niyo?” tanong ko sa kaniya. “Well, basically, we want to see the commitment. Kaya medyo maraming activities na ginagawa. Willing ba siyang gawin lahat yun kahit medyo time consuming? We want to get the most committed. And then we want them also to get to know the members. Like, some orgs, although I’m not saying they’re not good orgs, sobrang laki that they don’t know each other na. I can say magkakakilala mga org members namin, hanggang alumni.”

Tinanong ko kung bakit nangyayaring mas kaunti ang mga miyembro ng organisasyon nila kumpara sa mga ibang organisasyon sa kurso. “Kasi mahirap ang app process – well, ‘di naman. It’s just… tedious. It’s doable! Some people say na mahirap. Siyempre, given na may mga org na mas madali ang app process, you would opt for that org. Pati kasi every 1st sem lang kami tumatanggap ng app.”

Umuusbong ang nasyonalismo dahil sa pagkakaroon ng kamalayan ng mga tao sa mga itinuturing na mahahalagabng bahagi ng kasaysayan.

Ilan sa mga halimbawa nito sa kontekstong Pilipino ay ang pagpatay kina Rizal at Ninoy Aquino, at ang Batas Militar. Kabilang din dito ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa mga mahahalgang simbolo tulad ng awit at mga teksto na nagbibigay ng identidad para sa pagkabansa. Ang kasaysayan sa kabuuan ang bumubuo sa ating collective memory, ngunit hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng mga pagkakaiba sa mga pinapahalagahang aspeto ng kasaysayan ang mga indibidwal.

Hindi agad masasabi na ang isang aplikante ay desidido na kaagad sa pagsali sa isang partikular na samahan. Kailangan muna niyang kilalanin ang mga miyembro ng sinsalihang organisasyon: mabait ba sila? Madali ba silang kasundo? Kailangan ding unawain ng aplikante ang misyon at haraya ng organisasyon: hindi ba ito taliwas sa mga paniniwala niya? At sa buong proseso na ito, unti-unting makabubuo ang aplikante ng mga bagong pagkakaibigan, sasali siya sa mga iba-ibang aktibidades na pam-bonding. Higit sa lahat, untiunting masasangkot ang aplikante sa isang collective consciousness kung saan kasali ang lahat ng ibang mga miyembro na ng organisasyon. Ito ang magtatali sa kanila sa isa’t isa at magbibigay ng motibasyon na maghatak ng mga bagong aplikante, gumawa ng mga exhibit, magbigay ng flyers sa mga ‘di kakilala, at kung anu-ano pa.

Ito ang maaaring mas malalim na tungkulin ng isang application process: ang magsilang sa kamalayan ng mga aplikante ng isang collective memory na alalahanin din ng mga co-applicants at mga miyembro ng organisasyon. Tungkulin ng application process ang magbigay ng edukasyon sa mga aplikante. Edukasyon na magbibigay sa kanila ng mas makabuluhang rason na sumali at manatili sa samahan. 'Di tulad ng isang simpleng barkada, hindi mo nga naman basta-basta iiwan ang isang organisasyon na pinaghirapan mong salihan.

“Maybe nga it bonds us knowing na she went through the same thing that I went through. Say you meet a stanger, it’s the common thing between the two of you that you talk about. Maybe it’s why it’s easier talking to our alumni, kasi alam nila kung ano yung pinagdaanan mo,” sabi ng aking kinapanayam.

Nasa smokers’ pocket ulit ang ChemBarkada namin. Kinumusta ko si Sheila sa talents night ng org niya. “Ayun. Habang sumasayaw kami at kumakanta, binabato ba naman kami ng kung anu-ano! Sinisigawan kami, ang pangit daw, di raw kami naghanda. Habang nagpepresent yun, ah.” Nagulat naman ako. Pero nang tanungin ko ulit si Sheila, sabi niya okay lang naman daw sa kanila yun. Gagalingan na lang daw nila ng mga co-apps niya sa susunod.

*Ang kinapanayam ay isang lalaking nasa ikaapat na taon at may kurso na BS Psychology.

Article by: Ryan Madrid