Mindanao: Ang Lupang Pangako?

Tahimik na ang bayang naging entablado ng mga nagpapalitang bala at bomba ng militar at rebelde. Walang ‘sing tahimik sapagkat wala nang buhay ang masisilayan liban sa mangilan-ngilang punong nakaligtas sa bangis ng bakbakan. Naglaho na ang ganda ng bayang iyon kasabay ng pagpanaw ng ama’t ina nina Sarah at Abdul. Ang kanilang lupaing pansakahan ay tuluyan na nilang naging himlayan.

Winasak ng giyera ang kapayapaan, ang kasaganaan, at ang kinabukasan ng mga musmos. Sina Sarah at Abdul, mga batang dati-rati’y malayang tinatahak ang kilo-kilometro’t baku-bakong daan patungong paaralan, ay inagawan ng pangarap ng kaguluhan. Sila ay dalawa lamang sa daan-daang mukha ng mga musmos na pinagkaitan ng kalayaang mabuhay sa kapayapaan. Sino sila sa hinaharap? Maari kaya silang maging pangulo ng bansa, doktor, o guro? O dili kaya’y mas marapat na tanong ang: “May kinabukasan pa kaya silang masisilayan?” Bukas makalawa, maaaring buhay na nila ang sisingilin ng giyera.

Kaguluhan – ito na marahil ang mukha ng Mindanao. Marinig pa lamang ang salitang ito, nakatatak na sa isipan ang madugong bakbakan sa pagitan ng mga rebelde at militar. Higit pa rito, sinasabi ring kuta ang lupaing ito ng mga terorista. Ang mga putok ng baril ay tila kwitis na lamang na naglipana at ang mga pagsabog ng bomba’y tila “alarm signal” sa umaga, sa tanghali, at sa gabi. Hindi na nakakapanibago ang ganitong mga eksena.

Matagal na ring panahon ang lumipas bago muling sumiklab ang tensyon sa pagitan ng mga rebelde at militar. Ang dahilan nito ay walang iba kundi ang kabiguang maisakatuparan ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD). Matapos ibasura ng gobyerno ang nasabing kasunduan sa kadahilanang ito’y “unconstitutional”, sumunod naman ang pagkamatay ng GRP-MILF peace panel kung kaya’t tuluyan nang naudlot ang mga usaping pangkapayapaan. Ang mga pangyayaring ito ang sinasabing nagbigay-daan sa muling pagsibol ng bakbakan.

Sa baryo ng Manggahan sa Talayan, Maguindanao, minsan kaming tumungo bilang mga volunteers ng Sagip Kapamilya. Humigit-kumulang 200 mag-anak ang naroroon, mga itinaboy ng sagupaang militar at rebelde. Sila ang tinatawag nating IDP o Internally Displaced People. Sa panahong iyon ay magta-tatlong buwan na silang naninirahan sa Mayor’s Compound kung saan sila ay ligtas mula sa mga ligaw na bala at sa pangamba. Naisin man nilang bumalik sa kanilang dating mga tahanan, wala silang magawa sapagkat buhay nila ang nakataya. Umaasa na lamang sila sa tulong ng alkalde ng bayan at sa mga outreach programs para sa kanilang pang-araw-araw na makakain. Bitbit naman ng ilan sa kanila ang mga alagang hayop nang sa gayon ay may mapagkakitaan kahit papaano. Gula-gulanit man ang mga trapal, ito’y kanilang ipinagtatagpi-tagpi upang maging tahanan, tahanan kung saan sila tahimik na nagsasalu-salo sa
almusal, tanghalian at hapunan na panay noodles at itlog. At mula sa compound na iyon, 2 kilometro pa ang kailangang lakbayin para sa tubig na iinumin, ipanlalaba, at ipanliligo.

Dalawang-daang pamilya ang nagdurusa para sa mithiin ng iba. Mahigit 700 katao ang nagtitiis gayong wala naman silang kasalanan. Subalit ang mga bilang na ito ay hindi pa nangalahati sa bilang ng mga buhay na napaslang. Buhay ang nakataya alang-alang sa layunin ng mga rebeldeng grupo na mapasakamay ang pinaniniwalaang nararapat na pag-aari nila, alang-alang sa layunin ng mga militar na protektahan ang mga mamamayan.

Kahabag-habag na Mindanao. Ang kislap ay binalot ng lusak. Nangingibabaw ang dungis kumpara sa linis. Kung tutuusin sa tatlong higanteng isla ng Pilipinas, Mindanao ang pinakasagana sa kultura at yamang-likas. Ito ang tinaguriang “Lupang Pangako.” Isang pangako tungo sa walang hanggang kasaganaan at kapayapaan. Kaysarap sa pandinig, hindi ba? Subalit sa patuloy na pag-inog ng mundo, hindi kaya nagkamali ang ating mga ninuno sa pagbibigay ng titulong ito sa nasabing isla? Maaari kayang ang pangako’y nauwi na sa isang malagim na sumpa?

Oliver Ibot-Esmundo is the Editor-in-Chief of Actidamean, the student publication in Notre Dame University, Cotabato City.