Agham Panlipunan ATBP.:

Ang Pagsuong ng Filipinolohiya sa Pag-uunawa ng Lipunang Pilipino

Ang wika ay isa lamang aspeto ng buhay sa lipunan. Kaya’t sa Buwan ng Wika, mariin na pinili ng SINAG na gawan ng isang antolohiya ang mga talakayan tungkol sa Filipinolohiya, o ang pagsasakonteksto ng Agham Panlipunan gamit ang sariling kaparaanan.

Ang mga teorya at metodo na galing sa Kanluran ay madalas nating inaaral sa Agham Panlipunan dahil ang mga ito ay nagsilbing batayan ng mga mahahalagang konsepto. Ang mga pananaw ng mga teoristang Kanluranin ay produkto ng mga historikal na kaganapan sa kanilang lipunan at sa kanilang mga partikular na karanasan. Magkaiba ang pinag-uugatan ng kultura ng mga tao at ng lipunan gayundin ang mga sistema sa lipunan, sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Ang Sikolohiyang Pilipino

Ayon sa ilang mga sikolohistang Pilipino, ang paggamit ng mga Kanluraning teoryang ito para maging isang sikolohiyang unibersal ay hindi sapat upang suriin ng mabuti ang ating sariling kultura. Ayon kay Dr. Virgilio G. Enriquez, ang itinuturing na Ama ng Sikolohiyang Pilipino, hindi angkop ang paggamit ng sikolohiyang nagbunga mula sa isang lipunan upang para gamitin sa pananaliksik ng ibang lipunan. Ito ay sapagkat ang sikolohiya ay nanggagaling sa isang partikular na kultura at konteksto; kaya nagkakaroon ng mga pagkakaiba sa pagsusuri at pananaliksik.

Sa pamumuno ni Dr. Enriquez, nagsimula ang pananaliksik para bumuo ng isang Sikolohiyang Pilipino. Ang layunin ng sikolohiyang ito ay tingnan kung anu-anong mga aspeto ng ating konteksto at kultura ang maaaring gamitin o hindi gamitin sa mga pag-aaral at pagsusuri. Kabilang dito, gumamit sila ng dalawang paraan para sa pagsasakatutubo—ang indigenization from within at ang indigenization from without.

Sa unang paraan, binibigyan ng pokus ang mga aspeto ng kultura na maaaring gamitin at maging bahagi ng Sikolohiyang Pilipino. Sa ikalawang paraan, ang layunin nito ay ang pagsasa-Pilipino ng mga teorya o metodo na pwedeng iangkop sa ating konteksto.

May tatlong mahalagang anyo ng sikolohiya sa ating kultura—ang sikolohiya ng Pilipinas, ang sikolohiya ng mga Pilipino, at ang sikolohiyang Pilipino. Bagama’t magkakatulad sa unang tingin ang mga aspektong ito, iba-iba ang tinutukoy ng bawat isa. Ang sikolohiya ng Pilipinas ay tumutukoy sa pinakamalaki at kabuuang anyo sa ating lokal na konteksto, habang ang sikolohiya ng mga Pilipino ay tumutukoy sa mga teorya na nais gamitin para mag-aral tungkol sa ating kalikasang sikolohikal. Ang huling anyo, ang sikolohiyang Pilipino, ay nanganguhulugan ng sikolohiyang bunga sa mga karanasan at perspektibong Pilipino.

Ang sikolohiya ay isang mahalagang paraan para suriin at maunawaan ang ating pag-uugali at pagkikilos. Sa pag-aangkop nito sa ating konteksto, magiging mas makabuluhan ang ating kaalaman tungkol sa ating sariling kultura.

Ang Bagong Kasaysayan

Ang ating kasaysayan naman, sa loob ng mahabang panahon, ay isinulat ng mga banyaga. Bunga nito, nahubog sa kamalayan ng marami sa mga nag-aral at nag-aaral ang makakanluraning pagtingin sa sarili nating kasaysayan. Sa kasalukuyan, may mga historyador na nagtatangkang isulat muli ang ating kasaysayan, batay sa punto-de-bista mismo (na para sa kanila ay punto-de-bista nga) ng mga Pilipino.

Ito ay kanilang tinatawag na “Bagong Kasaysayan” – na ayon sa historyador na si Atoy M. Navarro ay ang “pagbawi ng diwa ng sinaunang kasaysayan (‘salaysay na may saysay,’ ‘pag-uulat sa sarili,’ ‘talastasan’) at pagsasanib at pagtatagpo nito sa ideya ng inangking historya (‘pagsisiyasat,’ ‘pag-uulat,’ ‘kronika,’ ‘historismo-positibismo’ at ‘interpretasyon’)… sa loob ng diwa ng ‘makabayang pagkilos’ at ‘pantayong pananaw’ na pangkabuuang Pilipino.” Malaki ang gampanin ng “Bagong Kasaysayan” sa larangan ng pagsulat ng kasaysayan ng bansa sapagkat ito ay nagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa kontekstong Pilipino.

Isa sa pinag-ugatan ng pagsulat ng “Bagong Kasaysayan” ay ang Pantayong Pananaw na unang sinulong ng historyador na si Dr. Zeus Salazar. Ang buod ng pantayong pananaw ay nasa panloob na pagkakaugnay-ugnay at pag-uugnay-ugnay ng mga katangian, halagahin, kaalaman, karunungan, hangarin, kaugalian, pag-aasal at karanasan ng isang kabuuang pangkalinangan—kabuuang nababalot sa, at ipinapahayag sa pamamagitan ng isang wika; ibig sabihin, sa loob ng isang nagsasariling talastasan/diskursong pangkalinangan o pangkabihasnan.

Binibigyang pansin ng Pantayong Pananaw ang talastasan ng kaalaman at kasaysayan sa wikang Filipino - ang daluyan ng ating kalinangan at karanasan, ang wika na likas sa ating kamalayan, partikular na sa kamalayan ng bayan. Isa sa mahahalagang salik sa pananaw na ito ay ang pagkakaroon ng iisang code, kung saan may iisang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ang mga tao ng mga kahulugan, kaisipan at ugali. Maisasakatuparan lamang ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang wikang pambansa. At sa tulong ng isang wikang pambansa, nagiging bukas at lantad ang kasaysayan sa pagpapalitaw at pagbibigay kahulugan, kabuluhan at katuturan.

Samakatuwid, nilalayon ng Pantayong Pananaw na maisalaysay sa atin ang ating kasaysayan mula sa ating sariling pananaw, para sa sarili nating kalinangan at hindi nang sa mga banyaga o sa mga intellectual elite lamang. Ito ang kasaysayan “natin,” at hindi lang “namin.”

Maka-Pilipinong Pananaliksik at Pananaliksik sa Wikang Pilipino

Gaya ng isinusuong ng Pantayong Pananaw, ang mga konsepto na mula sa Kanluran ay maaring maiangkop sa pagususuri ng ating lipunan sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filpino, partikular na sa metodo ng pananaliksik. Sa ganitong pamamaraan mababatid ang mas malinaw na kahulugan ng bawat konsepto na pinag-aaralan sa kamalayang Pilipino.

Sa pag-aaral na ginawa ni Propesor Clemen Aquino na tungkol sa kultura ng palay sa Asya, (Palay at Buhay: Mga Kuwento Mula sa isang Nayon sa Laguna) maari nating makita ang pagkakaiba ng mga konsepto ng "bigas" (na tumutukoy sa nasa bukirin)., "palay" (na tumutukoy sa nasa bodega) at "kanin" (na tumutukoy sa nasa hapag). Kung isasalin sa wikang Ingles ang mga ito ay iisang konsepto lamang na "rice."

Ipinapakita ng halimbawang ito ang kaibahan ng paggamit ng wikang Filipino kaysa paggamit ng wikang banyaga para sa isang tunay na maka-Pilipinong pananaliksik. Mula sa pagpapakwento ng naratibong buhay ng mga indibidwal bilang isang metodo ng pagkuha ng datos, at sa pakikipagkwentuhan sa kanila at hanggang sa pagsulat ng ulat ng pananaliksik, ang paggamit ng wikang Filipino ang mas naangkop na gamitin kung nais natin na mailarawan at masuring mabuti ang lipunang Pilipino.

Sa paggamit ng wikang Filipino sa pananaliksik, mas mabibigyan ng pagkakataon ang mga ordinaryong mamayang Pilipino na maipakita ang kanilang kamalayan at damdamin, silang mga kalimitan ay paksa ng mga pag-aaral sa Agham Panlipunan.

Sa disiplina ng Sosyolohiya, ang konsepto ng maka-Pilipinong pananaliksik ay hindi pa ganap at laganap ngunit inaasahan na sa pagdaan ng panahon, bagama't mas nagiging popular ang pagamit ng wikang Ingles sa akademya, ay mapayabong ang mas malalim at mas nakaugat na pananaliksik ng lipunang Pilipino sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino sa metodo at teorya ng ating pag-aaral.

Banyaga Noon, Pilipino Ngayon

“Man, by nature, is a political animal,” sabi nga ni Aristotle. Subalit bunga ng ilang pagsisikap na isa-Pilipino ang Agham Pampulitika, maaari na rin nating sabihin na “The Filipino, by nature, is indeed a political animal.”

Bagama't alam natin na karamihan sa mga konsepto at teorya na ginagamit at pinag-aaralan sa nasabing displina ay Kanluranin, sa ngayon ay may ilang mga pagtatangka at pagsusumikap upang isa-Pilipino ang pag-aaral ng disiplina.

Ayon kay Propesor Perlita Frago-Marasigan, Assistant Professor sa Departamento ng Agham Pampulitka, isa sa mga iskolar na nagtangkang bigyan ng Pilipinong konteksto ang disiplina ay ang yumaong si Dr. Remigio Agpalo. Ang yumaong iskolar ay may pananaw na tinatawag na “pangulo regime:” isang pananaw sa lipunang Pilipino bilang isang lipunang binubuo ng mga parte ng katawan, na ang ulo ang siyang namumuno. Kaya nga, angkop dito ang isang kasabihan ng “sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan” at ang paglalarawan ni Rizal sa problema ng lipunan bilang isang sakit — isang kanser.

Sa kurikulum ng agham pampulitika, may mga asignaturang tumatalakay sa mga pulitikal na karanasan ng ating sariling bansa. Kasama na dito ang Political Science 14, na tumatalakay sa gobyerno at pulitika ng Pilipinas. May mga area din sa kurikulum kung saan pinag-aaralan ang pamahalaan ng Pilipinas at mga pulitikal na teoryang hango sa mga sulat ng mga dakilang Pilipino "tulad nila Rizal, Marcelo del Pilar, Quezon, Laurel, Diokno, Tañada, at maging si Benigno Aquino." Bagaman ang metodolohiya at teorya ay hindi Pilipino, ayon kay Frago-Marasigan, ang pagpapartikularisa naman nito ay nasa nagtuturo sa asignatura.

Kahit walang institusyonalisadong pagtatangka upang isa-Pilipino ang disiplina, ayon kay Prop. Frago-Marasigan, dahil na rin sa kaalaman tungkol sa prinsipyo ng pambasang pagkakakilanlan, ipinapakita sa mga estudyante ang dalawang paraan – banyaga at Pilipino – upang magkaroon ng pagpipilian ang mga estudyante kung saan nila mas maiintindihan ang disiplina. Sa madaling salita, binibgyan ng laya ang mga estudyante kung saan nila gustong tingnan ang disiplina – kung sa banyagang perspektiba o lokal na lente.

---

Nakatutuwang isipin na sa kabila ng kanluraning kalikasan ng Agham Pampulitika at iba pang panlipunang pananaliksik, nagawa pa rin itong iangkop sa ating sariling konteksto. At kahit kaunti ang nasulat na ideya sa Pilipinong konteksto at wika, marami pa rin ang nagsusumikap upang bigyan ito ng Pilipinong identidad at maangkop sa Pilipinong panlasa at kaisipan.

Sa kasalukuyang henerasyon ng mga mag-aaral ng Agham Panlipunan, narito ang isang hamon: Lumipas na ang panahon ng mga iskolar na nagtaguyod ng maka-Pilipinong pagtanaw ng mga disiplina. Nasa ating mga kamay ang pagkakataong ituloy at itaguyod ang kanilang mga nasimulan. Nawa’y balang araw may tumindig sa ating hanay upang tuluyang bigyan ng Pilipinong karakter ang ating disiplina at lalong payabungin ang punlang nasimulang ng ating mga iskolar.

Article by: Maria Katrina Colet, Fernan Talamayan, Richelle Joy Belgira at Jane Blessilda Fabula