Persona Non Grata

Namamahalan ka ba sa anim na pisong pamasahe ng IKOT/TOKI? Kung oo, pagbintangan mo si Gloria.

Naaawa o nakukulitan ka ba sa mga batang humihingi ng barya sa tapat ng CASAA? Kung oo, dalhin mo sila sa Malakanyang at paglimusin mo sila kay Gloria. Marami siyang pera.

Sa tingin mo ba kulang ang pera na binibigay sa’yo ng magulang mo? Kung oo, samahan mo yung mga batang naglilimos sa Malakanyang.

Parati mo bang kinukumpara ang kabulukan ng Pilipinas sa kagandahan ng Amerika? Kung oo, pagbintangan mo pa rin si Gloria.

MGA IBA PANG PROBLEMA NA PWEDENG IBINTANG KAY GLORIA:

1. Ang trapik ng Philcoa at Katipunan.
2. Ang propesor mong baliw.
3. Ang luhang pinatak mo sa blue book mo habang ika’y sumasagot ng math midterms.

Gloria. Gloria. Gloria. Gloria. Trabaho nang trabaho ang Pilipino, nangungurakot nang nangungurakot ang mga pulitiko. Kung ganito kabulok ang gobyerno, e ‘di dapat pumetiks na lang din tayo, ‘di ba? Umalis tayo ng Pilipinas at magtrabaho sa ibang bansa kasi tigang ang lupa ng bansang Gloria. ‘Wag na tayo mag-aral, tutal mapapasawalang-bisa rin naman ang lahat ng ating pinagaralan kapag nangibang-bansa na tayo. ‘Wag na tayong bumoto sa eleksyon kasi nariyan pa rin naman si Gloria. ‘Wag na ang lahat.

Mali.

Yung pari sa simbahan ay maaaring pagbintangan pa rin si Gloria pero magmimisa pa rin siya sa mga makadiyos na sawimpalad. Yung magtataho at magmamais ay pagbibintangan pa si Gloria pero magtitinda pa rin tahô at sweet corn para mayroon silang kita na iuuwi sa pamilya. Yung estudyanteng dapat nasa bracket D na inakyat sa bracket C ay magpupuyat at magsusunog pa rin ng kilay kahit gipit na ang magulang niya sa kauutang ng pambayad ng mga matrikula, at galit din siya kay Gloria dahil dito. Maraming tao ay kapwang naghihirap din, at maaaring higit pa nga, ngunit ‘di pa rin sila sumusuko. Hanggang kaya pang lusutan ang siksik ng bara, lulusot pa rin.

Totoo.

Nakasubsob na sa lansangan ang Pilipinas dahil sa napakaraming suliranin na gumugpo rito. Tumataas na ulit ang presyo ng langis pati ang mga bayarin sa paaralan. Dumadami ang mga Pilipinong kumakatok sa pinto ng ibang bansa. Walang araw na hindi problema ang balita sa dyaryo. At bilang isang hamak na mamamayan, lubhang kulang tayo sa lakas at impluwensya upang bigyang solusyon ang mga krisis na ito. Lubhang kulang talaga – kung nag-iisa. Pero dapat ba tayong mawalan ng pag-asa?

Uusbong lang ang isang bansa kung ang mga mamamayan nito ay magiging aktibo sa kanilang mga obligasyon. Civic responsibility ang tawag dito.

MGA HALIMBAWA NG PAGKAKAROON NG CIVIC RESPONSIBILITY:

1. Makinig sa balita. MARAMING kaganapan sa bansa natin ngayon. Huwag maging bobo.
2. Palawigin ang kaalaman. ‘Di ka nasusukat ng grado sa eksam.
3. Magsimula sa pagbuo ng disiplina sa sarili. Huwag mandaya. Sumakay sa tamang sakayan. Huwag komopya na exam.
4. Ialay ang sarili sa isang gawain na makabubuti para sa lipunan. (Halimbawa: simbahan, mga chartiable institutions, edukasyon, pampublikong serbisyo, musika, arte at literatura, atbp.)
5. Alamin ang iyong mga karapatan at mga kalayaan. Pero huwag din silang abusuhin.
6. Bumoto sa darating na halalan.

Sa darating na halalan, bumoto ka.

Ang bawat karapatan ay may katumbas na obligasyon, at ang pagboto ay maaaring ang obligasyon na may pinakamatinding pangangailangan ngayon. Oo, kaya nating mag-protesta. Oo, kaya nating mag-walk out. Pero hindi natin kayang magpatakbo ng isang buong bansa. Kailangan natin ng lider na tayo ang hahalal. Civic responsibility natin ang bumoto.

Pero paano kung mukhang manloloko lahat ng kandidato? Okey lang. May karapatan ka sa pag-aabstain, dahil iresponsable din ang pagboto sa kung sino na lang basta may pagpipilian. May pormal na pamamaraan para gawin ito. Isang mahabang guhit ang gamitin mong lagda sa balota mo. Oo, ibig sabihin magiging kabilang ka sa lahat ng proseso sa halalan. Kapag hindi ka bumoto, kahit gaano katigas ang opinyon mo sa kabaluktutan ng lahat ng mga kandidato, hindi yun abstinence. Kahangalan ang tawag doon.