REM

Marie Julienne Ente

inaantok ako inaantok ako sa iyo inaantok ako sa inyo inaantok ako sa sarili ko tutulugan ko ang mga bayani mo tutulugan ko ang mga hangal at latak sa lipunan mo tutulugan ko ang kapakanan mo ko nating lahat dahil nakakaantok inaantok ako kahapon ngayon bukas aantukin ako nakakantok ang bukas na di pa dumarating pinapasan ko na nakakaantok ang mga pilosopiya mo tungkol sa sangkatauhan nakakaantok lahat ng pinaniniwalaan mo nakakaantok ang mabuhay sa yugto nito ng mundo inaantok ako sa rebelde mong pag-iisip at sa tuod mong pagkikilos inaantok ako sa sining inaantok ako sa kaalaman inaantok ako inaantok ako at ang hikab ko ay dinig sa dulo ng uniberso isang unibersong likha ng taong walang magawa kundi matulog at bangungutin ng mahimbing.