ECHOSERONG FROGLET - Ay naku, ewan ko sa kanila! Hmp.

Lumabas na ang pinaka-eklat ni Chansinger Cow sa isyu ng tae-nure kay ‘Princess Ceruh’. Ang munting isyu sa hindi pagkakaisa ng pananaw ng departamento ay naging iskandalo na sa Dilimanlandia sa tulong ng mga online petition sheets, pins, at dambuhalang tarpaulins.

Pagkatapos ng isang dekadang paglilingkod sa unibersidad, sa paghuhubog ng mga kritikal at dinamikong estudyante, at sa pagsusunog ng kilay upang makapaglathala ng mga artikulo ay makalaglag-panty at nakakawindang lang ang nangyari sa kaso ng kanyang tae-nure. Kahit pala nasunod mo ang kalandian ng meritocracy ay hindi ka pa rin mabibigyan ng tae-nure kasi di ka lang feel. As if naman academic grounds lang talaga ang batayan ng tae-nure ng isang prof o hindi. As if naman sasapat ang lahat ng mga dokumento sinama ni Chansing Cow sa kanyang memong para mabola ang buong komunidad ng peyups na nararapat lamang ang kanyang desisyon.

Hindi pa ako naging estudyante ni ‘Princess Ceruh’ pero sabi ng mga BFFs ko ay bet siyang guro dahil fun fun fun, maunawain sa mga estudyante at magaling siya magpaintindi ng lesson nina Bourdieu, Zizek, Badiou at iba pa. Pero nakapakinig na ako ng ilan sa kanyang mga pambobola sa mga nilalangaw na academic masturbation at in all magical fairness may point sila kasi na-arouse ang interes kong chakahin at aralin ang ating lipunan.

Tinatanong ako ng aking mga user-friendly kung bet ko ba magturo sa peyups, sa departamento nina Mareng Emily Dorkheim and friends. Alam kong marami akong natutunan sa aking mga propressure sa apat na taong pakikinig, pagka-cut ng mga klase, sa pagpapa-late, at sa paggawa ng mga papel. Naeenganyo naman ako sa aking tesis. Bilang mga propressure ay malaking malaki ang pagtingin ko sa kanila. Ang isa pa nga sa kanila ay napapanaginipan kong naglelecture sa akin ng threats to internal validity.

Pero josko parang ayaw ko ata maranasan ang kakaibang sakit at hapdi na hatid ng symbolic violence bilang baguhan sa nakatitigang na mundo ng akademya. Ayaw kong mabully sa dalawang paraan ng mga mala-institusyon sa departamento: una bilang utusan sa kung anu-anong mga escapades ng departamento at ang ikalawa ay bilang mag-aaral sa kanilang mga gradwadong mga klase kung saan sila lamang ang perfect. Kung magtuturo ako sa peyups baka kailangan kong magtago sa kloseta ng aking mga pinaniniwalaang teorya para lamang matanggap ng mga elitista sa Fokfok Center (FC), at kasama din sa trabaho ang maging utusan nila.

Naisip ko ang ilan sa mga naging guro ko sa mga GE na nakuha ko para magkaroon ng mga linsyak na uno. Para lamang din ba silang mga crew sa McDope na kahit kalian ay puwedeng-puwede palayasin kapag hindi na sila perfect workers? Magaling ba talaga silang mga guro, o pinipilit lang nilang maging masaya para sa klase upang mahalin ng kanilang mga boss na nambubully?

Kumukuha ng mga uno-able na propressure, nagiging GC, manggagamit at masipag ang mga estudyante sa unibersidad para maging kritikal at dinamiko sa mga isyu ng lipunan. Kaakibikat din ito na maging repleksibo ang mga mag-aaral sa kanilang mga identidad at pinaniniwalaan, at hamunin ang mga nakagisnang ideolohiya at namamayaning pagtanaw sa mga bagay-bagay. Ang unibersidad din mismo ay may kakayahang maging echosera at magpaka-bruha para lamang maging mayabang sa mga taga Katipunan, Taft, Espana, University Belt and others sa ngalan ng academic excellence.

Nga pala, kung ito rin ang handog ng unibersidad sa bayan, nauunawaan ko na kung ano ang papel ng mga ganitong pangyayari sa pagpapanatili ng lipunang pilit nating binabalaj at chinachaka. Palakpakan, Congratulations! ▪