Tagpuan

Iskandalosang Achuchuchu

Sa lugar na tagpuan ng langit at lupa, ang araw ay nakabitin. Dapithapon na. Mula sa gitna ng kanilang kuwadradong kusina, si Nena ay tatayo at maghahanda. Oras na para magsaing.

Kukunin mula sa isang sulok ang bigas sa lalagyanan nitong supot ng plastik. Gamit ang isang maliit na lata ng Milkmaid, dadangkot lamang ng kakailanganin dami, at ililipat ito sa kalderong nakatago sa katabing kabinet. Katulad ng bilin ng nanay, huhugasan ang bigas ng dalawang beses, at sisiguraduhin ang bahaw ay itatabi.

Tuluyan nang nagdilim, dulot ng biglang buhos ng ulan. Niyakap ni Nena ang sarili, ngunit di napigilang manginig nang isang malakas na hangin ang umihip.

Lilipat siya ngayon sa harapan ng kalan, at kukuha ng posporo para ito’y sindihan.

‘Nilalamig ka pa ba?’

Napatingin siya sa nagsalita, isang lalaking pag-aalala’y nakaukit sa mukha, at umiling. Kasabay nito ang pagdating ng isang malaking ngiti sa kanyang mga labi. Sumagi sa isipan ni Nena ang alaala ng kanilang pinagsamahan.

Dati ay nagpasya ang dalawa na magpiknik sa tabing ilog. Nang sila’y nahuling namamangka, ang tindi ng pangangantiyaw ng kanilang mga kaibigan. Ilang linggo rin nilang tiniis ang walang sawang pagsigaw ng ‘sobrang cheesy’ pag sila’y napaparaan.

‘Di rin nalalayo sa kanyang mga iniisip ang pagkakataon na minsang silang nag-away, bunga nang di mapagkasunduang pang-merienda. Salamat sa isang plato ng Lucky Me, at nagkaayusan din ang dalawa.

Minabuti ni Nenang silipin muli ang binata. Siya’y nakangiti habang dahan-dahang inilalapit sa bibig ang isang pulang tasang naglalaman ng mainit na kape.

‘Umuulan na. Masarap mag-NescafĂ© classic.’

Hoy, Nena, nagsaing ka na ba?, bulyaw ng nanay.

Ang maliit na sachet ng kape ay iniwan na lamang sa isang sulok, at dalidaling ipinatong ang kaldero sa kalan. Sa gilid ng kanyang mga mata, napansin niyang papalapit ang nanay.

Ngayon ka lang ba magsasaing? Kanina ka pa riyan nakatunganga ah! Wala ka nang ginawa kundi manood buong araw! Kasabay ng paglilitania ng inay ay ang pagpatay telebisyon.

Ang binatang kanina pa pinagmamasdaan ni Nena ay nasa loob na ng isang airport. Mukhang aalis nanaman siya’t magbibigay saya sa mga babae sa ibang parte ng mundo. Nagawa siyang ngitian ng binata bago tuluyang nawala.

‘Oh sige, ingat!’

CLICK!