Si Batman at ang Pasko ng mga taga-UP

Ready Magdamit

Isa akong taong galit. GRAR! Galit sa mga taong nagdiriwang ng Pasko. GRAR! Para sa akin, ito’y hindi dapat binibigyan ng kahulugan. Isa itong kalokohan; kasalanan sa sambayanan. GRAR! Sa bawat inaawit na pamaskong kanta, nabibingi ang tao sa katotohanan. Sa bawat Noche Buenang pinagsasaluhan, nabubulunan lang ang pamilya sa kasinungalingan. Nagngingitngit ang mga ipin ko sa tuwing naririnig ko ang salitang “Pasko”. GRAR! Kailangan na itong tigilan, ngayon din!

Miyerkules. Kagagaling ko lang sa gusali ng Sipnayan (Math building) kung saan 8:15 AM natapos ang Math 53 ko. Bad mood ako noon, kung kaya’t sabi ko sa sarili ko, dahil bad mood ako, sasaktan ko ang damdamin ng sino mang magpaba-bad mood pa lalo sa akin!

8:30 AM. Tigas-mukha kong tinahak ang kalakihan ng AS lobby papuntang Casaa, nang biglang may tono na bumutas sa tainga ko. Jingle bells, jingle bells, jingle all the way! Sa sulok ng lobby, nakita ko, isang binatilyong nakikinig ng mp3. Dinig na dinig mula sa earphones niya ang kantang Jingle Bells. Nag-init ang dugo ko.

GRAR! Ano yang pinakikinggan mo?!” sigaw ko sa kaniya habang sakal-sakal siya sa kwelyo.

Nalunod sa takot ang mga mata niya. “Ah, J-jingle Bells po, k-kuya!”

GRAR! Bakit ka nakikinig niyan?! Alam mo bang masama ang makinig Jingle Bells?! Lalo na kung all the way?!”

"H-hindi po! N-nakikinig lamang po ako dahil Magdi-Disyembre na!”

“GRAR! Bakit, ano ba ang ginagawa mo tuwing Disyembre?! GRAR!”

“Ah, eh, nagse-stay lamang po b-bahay! May Noche B-buena din p-po kami. At family reunion! P-pasko po kasi eh, d-diba po, kuya?”

Hinigpitan ko ang sakal sa kaniyang kwelyo. “GRAR! Ano ba ang kahulugan sa’yo ng pasko?!”

SINASAKAL: (aktwal na sagot) Yung pagiging masaya. Enjoy lang.
-- AS lobby, sa isang bangko

“Maling sagot! Alalahanin mong walang kahulugan dapat ang pasko!”

Binitiwan ko siya’t binaba sa sahig. Bago siya makatakbo, pinatid ko ang paa niya para madapa, kinuha ang pitaka, hinubaran ng t-shirt at tumakbo kaagad palayo. Kailangang parusahan ang mga taong nagdidiwang ng pasko, GRAR! sabi ko.

8:40AM. Nagtago ako sa likod ng isang photocopying machine habang binibilang ang nakupit kong pera.

100..150..200…245…sakto lang pala pag umaga, wala pang nagagastos sa baon,” bulong ko sa sarili.

Haha! Talaga? Tuwang-tuwa ka na noon sa pellet gun?

“…300..320… huh?” May nag-uusap na isang lalaki at babae mula sa malayo. Nag-uusap sila tungkol sa gift-giving. Gift-giving sa…Pasko! GRAR!

Sinilip ko yung dalawang nag-uusap.

"Oo! Bata pa kasi ako nun eh, siyempre naman. Ikaw, ano pinakamagarang Christmas gift na natanggap mo?"

“Ah, ako? Umm… Last last year pa yata yun, eh. Nakakuha ako ng lap—OHMYBIBINGKA!” bulalas ng babae.

Nilundagan ko yung lalaking kausap ng babae at sinakal siya sa kwelyo.

“GRAR! Ano, iha, ano pinakamagandang regalo na nakuha mo?” wika ko, “ituloy mo lang yung sasabihin mo para masaktan itong boypren mo!”

“Oh my..Oh my…” ani ng babae.

"GRAR! Ano’ng ‘oh my’?! Oh my putubumbong?! Ano?!”

"Oh my niyog! Hindi po! W-wala na po akong sasabihin! At…hindi ko po siya boyfriend.”

Nabigla yung boypren. “ECHKK. Ano ka?! ECHKK. Sabi mo sa akin kahapon mahal mo ako! ECHHKK,” sagot ng lalaki habang sinasakal ko pa rin siya.

“As a friend lang yun, ano ka ba!” sabi ng babae. “Kuya, namumula na po siya!”

“GRAR! Tumahimik kayong dalawa! Sagutin niyo ang tanong na ito. Ano ang kahulugan sa inyo ng pasko?!”

“ECHHKK,” ani ng lalaki. ‘Di pa siya makapag-isip ng sagot.

GIRL: (aktwal na sagot) Yung panahon na nagkakasama-sama ang buong pamilya. Ayon. Binabati nang sama-sama si Jesus. Yun. Yun lang.

BOY: (aktwal na sagot, pagkatapos mag-isip) Sa tingin ko yung ano…yung panahon na dapat lahat payapa. Lahat nagkakaisa. Parang laban ni Pacquiao!

-- AS lobby, sa sahig sa ilalim ng mural

Binitiwan ko na yung lalaki at napabuntonghininga ang babae sa ginhawa. Ngunit bago makatakbo ang lalaki, pinatid ko rin siya sa paa at kinuhanan ng pitaka.

At ikaw. Ikaw na nagbabasa ng "artikulo" na ito. GRAR Maging ehemplo sa'yo ang mga kinuhanan ko ng pitaka. GRAR. Walang kahulugan ang pasko! GRAR! Walang kahulugan ang pasko, sinasabi ko sa inyong lahat. Walang kahulugan… *luhod sa lupa at iyak* Grar....

MGA PAGKAKAHULUGAN NG PASKO NG IBA PANG SINAKAL NI BATMAN:

“Siyempre, birth ni Jesus, ganun.”
– Sa isang bangko, AS lobby

“Yung kumpleto kayo, siyempre. Wala ka nang dahilan eh. Dapat nandun ka. Sabay sabay. Tas wala munang problema.” – Sa hagdan katabi ng CSSP bulletin board

“It’s the birth of Christ, ganun. How it all started. Religion. Siyempre, andiyan pa rin yung material aspect, nag-aanticipate ng magandang regalo. Nag-iipon para magbigay ng regalo sa ibang tao.” – Covered walk patungong AsCal