Mga Palagay ng Isang First-time Voter

Labindalawang oras akong pumila noong Nobyembre ng 2009 para magparehistro sa pagboto. Sa loob ng dalawang araw, nahasa ang aking galing sa pagtayo, nakatalungko at pagkaang. Wala akong kaibigan na kasabay magparehistro kaya ‘ni hindi ko sinubukang umalis sa aking puwesto.

Maski unti-unting dumilim ang paligid at dahan-dahang umalingasaw ang amoy naming magkakatabi, tiniis ko ang pawis, gutom, at inip. Wala akong nagawa kundi panoorin ang kasabay ko sa pila na hinatiran ng pagkai’t inumin ng kanyang syota. Wala akong nagawa kundi ipaypay sa sarili ang dalang mga papeles habang naririnig ko ang higop sa straw ng makukulit na magkakabarkadang magkasabay sa pila. Kinapalan ko ang aking mukha nang kinailangang magtanong sa mga opisyal tungkol sa pagkaka-sunod-sunod ng stasyon para sa pagpapasa ng dokumento. Kanya-kanyang diskarte kasi bawat distrito. Hindi ko na lang pinansin ang mga pulutong ng tao ang nakita kong lumampas, sumingit at naki-hirit sa pakiki-usap sa mga nagdiyos-diyosang sekyu na nakabantay. Naaalala ko pa na habang naghihintay ako, pabiro kong iniisip ang mga maaaring mangyari pagkatapos ng lahat ng paghihirap ko doon. Baka may magsabit sa leeg ko ng medalya, o kaya may magbigay sa akin ng malaking cheke sa dulo ng pila. Wala sa mga iyon ang nagka-totoo.

Hindi ko sinasabi na sukdulan ang lahat ng mga naranasan ko sa pagpila sa pagrerehistrong bumoto. Lalong hindi ko pinagyayabang na ganoon ang dinanas ko. Ka-engotang magkunwaring martir dahil kasalanan ko na nagpa-abot ako ng mga huling araw para magpa-rehistro. Oo, ka-engotan talaga ‘yon.

Walang sinumang nagpumilit sa aking pumila. Mag-isa kong pinilit matapos magpa-rehistro. Ngunit ngayong umuugong sa tenga ko ang mga walang katapusang jingle ng mga
kandidato, ngayong ang kikinis ng kanilang mga mukhang ipinaparada sa mga poster, commercial, at billboard, nanunumbalik ang naramdaman ko habang nakapila sa pagpaparehistro. Kailangan na naman ang lakas ng loob at kapal ng mukha para tiisin ang mga ito.

Unang pagkakataon ko para bumoto ngayong Mayo. Nakikita ko na ang parating na gulong kaakibat ng walang katapusang pagpila. Inaasahan kong katulad ng maraming karanasang dapat pagdaanan, lilipas din ang pagkabasag ng aking pagkabirhen sa pagboto.

Sa totoo lang, kinakabahan ako. Natatakot akong iboto ang isang kandidato dahil nadala ako ng bugso ng damdamin. Natatakot akong madala ng mga publicity material at maging biktima ng panlilinlang, na mauto ng mga nagpapanggap na may paki-alam sa paghihirap ng mga Pilipino. Alam kong bilang isang edukadong tao, isang miyembro ng kabataang binigyan ng mga mamamayan ng pagkakataong mag-aral, responsibiladad kong magkalap ng sapat na impormasyon tungkol sa mga iboboto ko. Ang pinoproblema ko kasi ngayon, ano o sino nga ba ang nararapat kong paghugutan ng nasabing impormasyon? Hindi lahat ng kandidato ay binibigyan ng ‘air-time’ o kaya ay imbitasyong maging speaker sa mga porum.

Sa dami ng mga tanong na umaapaw sa utak ko, buti na lang sa proseso ng pagboto, nabigyang linaw na ako. Iisipin ko na lang habang nakapila: may bilog, may bilog na hugis itlog.