Sereks

Joots Cungmalandhi

Mabilis na tumitibok ang aking puso habang pinipilit
kong magpumiglas. Dahan-dahan mong hinubad
ang saplot na sa akin ay bumabalot. Dama ko ang
init ng iyong mga kamay na humahagod sa buo kong
katawan. Gusto kong makawala subalit ang tangi kong
nadarama ay kahinaan.
Isang latay. Dalawang latay. Walang awa mo akong
binugbog bago lasahan. Hinang-hina na’y nagawa mo
paring ako’y ipagulong-gulong habang kubkob ng
iyong malalapad na kamay ang hubad kong katawan.
Gumagapang ang iyong mga daliri mula baba
paitaas. Pawis na pawis kang humingal habang
kinikiskis ang mahaba’t matigas mong armas.
Dahan-dahang pumasok ang
iyong daliri sa mamula-mula
kong kaibuturan.
Pumasok. Lumabas. At
pumasok na naman. Ahhhh!
Aray…tama na. Tama na…
ahhh!
Sa kabila ng paghuhumiyaw
di ka parin nagtigil. Patuloy
sa pagpasok…ahhhh!
Paglabas….aahhh! Ayoko na
subalit wala akong magawa.
Tila ba hinayaan ko nalang na ako’y iyong babuyin
pero hindi…hindi…oooohhhh! aaaahhhH!
Dama ko ang bawat bagang unti-unti sumusunog
sa aking karimlan. Tila isa akong upos na
sigarilyong ang nais na lamang ay matapos na
ang pagkakapaso. Ako’y iyong itinayo sa kabila
ng pagkalupaypay. Niyurak mo ang akin. Inamoy
bago dinilaan. Humihikbi akong nag-isip kung
bakit ganito ang aking sinapit. Anong kasalanan ko
sa iyo? Bakit? Bakit?
Sa aking pagdilat..di ka nag-iisa. Ikaw, kayo, sampu
ng iba mo pang mga kasama…mga wala kayong awa!
Ahhh! Ang pagdampi ng inyong mahahabang dila.
Ahhh!
Sinubo.
Nilaplap.
Kinatasan.
Wala nang ibang natira sa akin kundi ang aking
kaluluwa. Kaluluwang pilit kong ibinangon mula
sa pagkadusta. Nais ko na lamang isiping ito ang
nakatakda para sa isang malansang nilalang na
tulad ko, ang ikubkob, magpadukot, magpapasok,
at ialay ang aking laman para mapunuan ng sarap
ang gutom na inyong nararanasan. Hindi ko na
nais magsalita pa. Hiling ko na lamang ay ang
katahimikan sa aking himlayan.
Paalam sa mundong ito na hayok sa laman.
-Relyenong Bangus