Kandila't Alitaptap

May kwento sa Tambo, Paranaque, tungkol sa isang mahaba at madilim na abenidang nadadaanan mula Metro Manila papuntang Cavite, kung saan tuwing hatinggabi ay maraming alitaptap ang makikita. Kakaiba ito sapagkat sa dinamirami ng mga sasakyang dumadaan ay hindi na masasabing sariwa ang hangin dito. Ngunit kahit ganoon, daan-daang alitaptap pa rin ang tila mga bituing nagbibigay-liwanag sa gilid ng kalsada.

Napakaganda ng lugar na iyon tuwing gabi. Ngunit pagdating ng bukang-liwayway ang makikita na lamang dito ay mga talahib na kasingtaas ng tao. Sa taas at kapal ng mga damo dito, madaling maitatago ang anuman sa malawak at napabayaang lupa. Kung kaya minsan, may isang lalaki na naisipang mamalagi doon. Tulak-tulak ang luma niyang kariton, maingat siyang pumuwesto sa parte ng lupain na mabato ngunit natatago pa rin ng mga talahib mula sa kalsada. Pagkatapos ay inayos niya ang kartong nakasapin sa sahig ng nito at pumasok sa loob upang ipantakip ang luna.

Dahil gumigising siya sa tanghali at nangangalap ng basura sa Baclaran buong gabi, hindi nasasaksihan ng lalaki ang paglabas ng mga alitaptap tuwing hatinggabi. Binebenta niya ang mga bote at dyaryo sa junk shop pagdating ng umaga upang makabili ng maayos na pagkain, maliban sa nakokolekta niya mula sa nagsarang mga kainan. Minsan, naaalala niya na may panahong nakakakain siya sa loob mismo ng restaurant imbis na kinakalkal ang tira-tira mula sa basurahan nito. Ngunit baka panaginip lang niya iyon at hindi alaala. Marahil ay panaginip lang din ang nakikita niyang dugo sa kung ano dapat ay ketchup, at sa kamay na styrofoam na sumusunggab sa braso niya.

Sa dilim, nahihirapan ang lalaki na malaman kung alin sa mga naiisip niya ay alaala at kung alin ay panaginip lang. Hindi niya maalis ang pakiramdam na may hinahabol siyang oras at may dapat siyang tandaan. Ang alam lang niya ay dapat siya magtago
sa dilim nang hindi makita ang kanyang mukha.

At noong nakita niya ang nakapaskil na mukha ng isang kandidato sa eleksyon, nalaman niya, sa pamamagitan ng pagkamuhing sumilab sa kanyang puso, kung para saan ang kinakalawang na ice pick sa kanyang kariton.

Nang gabing iyon, namimilipit sa sakit ang lalaki sa mga dumurugo ang kanyang ulo. Naalala niya ang lahat. Mula sa kadiliman, bumangon ang daan-daang alitaptap at naging ningas ng mga kandila na walang init o halimuyak. Isang babaeng nakasuot ng itim – ang tagatupad ng mga huling kahilingan – ang nagpakita sa kanya.

Bilisan mo, sabi nito. Ngayong gabi ka lang magiging alitaptap.

Narinig ng lalaki ang isang kotse na dumaan. Lumipad siya papunta rito. Akala ng drayber ay may alitaptap sa likod niya nang biglang naging tao ito. Tinutok ng lalaki ang ice pick sa leeg ng drayber at inutusan siyang pumunta sa bahay ng isang pulitiko. Sa pagkakataong ito, aniya, dalawa na silang itatapon sa abenida.

Tahimik na naghintay ang mga alitaptap. ▪

April Sun